Siguro nasubukan mo nang gumamit ng pampublikong computer mula sa mga computer shops o cafe para gumawa ng mga proyekto, mag-search online o di kaya para mag-log in sa iyong social media, email account atbp.
Minsan, may mga paalala na hindi sinusunod at hindi natin alam lalo na kapag gumagamit tayo ng computer at internet mula sa mga computer shops. Ngayon, ito ang ilan sa mga tips na ituturo sa iyo na dapat mong gawin bago at pagkatapos mong gumamit ng mga pampublikong computers.
Mga tips sa paggamit ng pampublikong computer
Ito ang ilan sa mga paalala at bagay na dapat natin sundin at alamin kung gagamit tayo ng pampublikong computer sa mga computer shops kahit pa na mula sa ibang tao at hindi sa iyo.
1. Safety browsing feature
Kung pupunta ka mga computer shops, gamitin ang ‘New ignito window’ ng Google Chrome browser o ‘New private window’ para naman sa Opera at Mozilla Firefox browser. Paano gamitin ito?
Buksan lamang ang alin sa mga nabanggit na computer browsers. Para sa Opera at Google Chrome browser, pagsabayin na pindutin ang Ctrl, Shift at N sa keyboard. Sa Mozilla Firefox naman, pagsabayin na pindutin ang Ctrl, Shift at P. Hintayin lamang na mabuksan ang private window. Kung ayaw mo ng shortcut keys, pindutin ang menu button sa browser gamit ang curser ng computer mouse at piliin ang ‘New private window’ o ‘New ignito window’.
Gamit ang safe browsing feature na ito, kahit hindi ka mag-log out sa iyong social media, email o kahit anong online account basta siguraduhin mo lang na isara ang browser, awtomatikong magla-log out ang iyong online account.
Isa pa sa magandang benepisyo ng feature na ito, kung biglang namatay o nag-shutdown ang computer na gamit mo siguro dahil sa power outbreak o may napindut ka sa keyboard o screen, awtomatikong mabubura ang mga browser history, cookies, password, username at email address sa computer na ginamit mo.
2. Parating i-save ang ginagawa
Parating i-save ang iyong ginagawa kada minuto kapag gumagamit ka ng Microsoft Word, Excel, Powerpoint at kahit anong software application ang iyong gamit lalo na kapag para sa iyong research project. Para mas madali at mabilis ang iyong pag-save, pagsabayin na pindutin ang Ctrl at S.
Siguraduhin din na i-save ang iyong mga files sa external memory drive tulad ng USB flashdrive o kung wala ka nito, i-upload at i-attach ito sa iyong email account o facebook account at ipadala sa iyong sarili.
3. Burahin ng iyong files kapag tapos ka na
Burahin ang mga files mo na naka-save sa computer tulad ng pictures, videos, assignment, research projects, thesis atbp kapag tapos mo na itong gamitin. Kung hindi, madaling kopyahin ito ng ibang tao at maaari nila itong i-edit at gamitin.
4. Huwag mag-download ng kung anu-ano
Huwag mag-download ng computer software applications o kahit ano mula sa internet lalo kapag hindi mo naman ito kailangan o sinadya. Maaring ang ilan sa mga applications o files na ito ay may naka-attach na computer virus o bug.
5. Mga personal na impormasyon
Huwag kailan man ibibigay ang iyong cell phone number, totoong pangalan, email address, (prepaid, debit o credit) card number at PIN o kahit anong pang impormasyon tungkol sa iyo sa kahit anong website lalo na kung ito ay kahina-hinala. Maaari nilang gamitin ang mga impormasyon na ito para manloko ng ibang tao. Kapag ang iyong card number at PIN naman ang nakuha nila, pwede nilang gamitin ito para bumili ng mga bagay-bagay sa internet at para mag-widthraw ng pera.
6. Computer games
Kung maglalaro ka ng computer games lalo na sa mga online games na kailangan mo pang mag-log in para makapaglaro, siguraduhin na huwag ‘save and remember’ ang iyong account username at password. Kung hindi, maaring buksan at gamitin ito ng ibang tao.
7. Log out at Sign out
Huwag kalimutan na i-log out ang iyong social media, email o mga private account. Huwag lang basta i-log out, siguraduhin din na naka-log out ka na.
Ito ang ilan sa mga tips na dapat isaalang-alang kung gagamit ka ng mga pampublikong computer mula sa mga computer shops. Dapat kailangan mong alagaan at protektahan ang iyong mga personal na impormasyon tulad ng passwords, email addresses at mismong cell phone number kapag gumamit ka ng computer sa mga computer shops o sa cell phone ng ibang tao.
Sana mayroon kang natutunan ngayon sa mga tips na ito na maaari mong magamit para maprotektahan ang iyong mga personal na impormasyon lalo na gumagamit ka ng pampublikong computer.
Leave a Reply