Nawala ba o ‘di kaya nasira ang iyong SIM card kung kaya hindi mo magamit ito para tumangap at magpadala ng tawag o text message?

Huwag kang mag-alala dahil may solusyon kung nawala o nasira ang iyong SIM card. Ito ang dapat mong gawin para ma-block ang number ng SIM card at maaari mo pa itong maibalik at magamit ulit ang dati mong cell phone number.
Paano marecover o maibalik ang number mula sa nawala o nasira na SIM card?
Maraming Pilipino na gumagamit ng prepaid SIM card na hindi pa rin nila alam na pwede pala nilang ma-recover, ma-retrieve o maibalik ang kanilang cell phone number mula sa nawala o nasira nilang SIM card. Kaya ang ginagawa ng iba, bumili na lamang sila ng bagong SIM card.
Kapag bagong SIM card, pati na rin ‘yung number nila ay bago. Kaya bigla-bigla may nagte-text o nag-missed call sayo, akala mo kung sino, ‘yon pala kung kakilala mo. Tatawag sila o magte-text at sasabihin nilang bagong number pala nila iyon.
Pero kung alam nila ang dapat nilang gawin kung nawala o nasira ang kanilang SIM card, madali nilang mare-recover o naibabalik ang dating cell phone number mula sa nasira o nawala nilang SIM card. Gamit ang bagong SIM card pero dating number, pwede ulit itong makatanggap at makapagpadala ng text message at tawag.
Hindi na gumagana ang SIM card?
Kung hawak mo ang iyong SIM card na hindi na gumana, huwag mo itong itapon. Dalhin mo na lang ito sa Smart o Globe service center/store para mapalitan nila ng bago at kailangan mong bayaran ang SIM card.
Kung Smart, Talk ‘N Text o Sun Cellular ang iyong SIM card, dalhin ito sa malapit na Smart store. Kapag TM o Globe ang iyong SIM, dalhin mo ito sa pinakamalapit na Globe store.
Dalhin ang iyong SIM card pati na rin buong card na kasama ng SIM cut para may ibedinsya ka. Huwag mahiyang pumasok sa Smart o Globe store. Tanungin at sabihin sa security guard na gusto mo na magpapalit ka ng SIM card at ituturo sayo kung saan ka pipila (syempre kung maraming customer).
Nawala ang SIM card at walang maipakita?
Kung wala kang SIM card na maipakita bilang ibedinsya, kailangan mong magpagawa ng ‘Affidavit of Loss’ na notaryado ng isang abogado at isang valid ID para mapalitan ng bagong SIM ang nawawala mong SIM card.
Kung mayroon ka na nito, iblo-block ang number ng nawala mong SIM card at gagawan nila ng paraan para marecover ang dati mong cell phone number.
Kapag narecover na nila ng dati mong number, ia-assign nila ito sa bagong SIM card na ibibigay sa iyo para pwede mo ulit magamit ang dati mong cell phone number.
Para makakuha ka ng ‘Affidavit of Loss’, pumunta sa pinakamalapit na serbisyo abogado para magpaggawa nito. Mula PhP 250 lang ang babayaran mo para sa pagpapagawa ng ‘Affidavit of Loss’.
Dalhin lamang ang Affidavit of Loss na ito at isa mong valid ID sa service center o store ng Globe o Smart para may maipakita ka. Kukunin nila ito at ive-verify nila. Sundin na lamang ang mga susunod na hakbang na sasabihin ng personnel a iyo.
Ito ang mga paraan kung paano mare-recover, mare-retrieve o maibabalik ang iyong cell phone number mula sa nawala o nasira mong SIM card. Sana may bagong kaalaman na naman ang napag-aralan ninyo at sana huwag mong kalimutang ibahagi ito sa ibang tao na hindi nakakaalam nito.
Leave a Reply